ako, alas dos ng madaling araw

3:56 PM

ito ako, alas dos ng madaling araw.
naglinis ng mga gamit
itinago ang mga lumang kwaderno,
isinilid sa kahon ang mga lumang babasahin,
itinapon ang bago pang kard
na may mensaheng “keep this…” at pirmado pa;
dahil hindi ko na gagamitin
ang alin man sa mga basurang iyan.

ito ako, alas dos ng madaling araw;
nahimlay sa kama at ipinikit ang mata
ngunit hindi makatulog.
mula sa paanan ng kama, naririnig ang mga basura
sa basurahan daw ay hindi sila nababagay, di dapat naroroon.
ngunit hindi ba kaya may ngalang‘basurahan’
ay dahil doon inilalagay ang mga basura?

ito ako, alas dos ng madaling araw -
nakatitig ang mga mata sa kisame ng kwarto
ginugulo ng mga basurang hindi daw bagay sa basurahan.
kung nangyari ito tatlong buwang mas maaga,
pupulutin ko ang mga basurang iyon at muling itatago -
mali, ni hindi ko pala sila itatapon -
ngunit ang ‘tatlong buwang mas maaga’ ay hindi ngayon,
at dahil ngayon ito nangyari,
wala akong basurang pupulutin.

ito ako, alas dos ng madaling araw.
ibabaling ang ulo sa kaliwa
at tatakpan ng unan ang mukha.
hindi parin makatulog,
pero pipiliting pagpahingahin ang diwa.
bahala sila. basta ako,
wala akong pakialam sa basura.

You Might Also Like