Thursday, September 22, 2011

Alam Na.

Sa buong buhay ko, ikaw lang ang ginusto - hindi, minahal - ko ng ganito.

Sabi nila pera mo lang daw ang habol ko. Siguro nga. Pero alam ko naman sa sarili ko na ang totoong dahilan kung bakit ginusto kita ay dahil binigyan mo ako ng direksyon sa buhay. Hindi ako natakot sa pwedeng mangyari sa hinaharap dahil alam ko na magkasama tayo at hindi mo ako pababayaan. Akala ko talaga tayo na hanggang sa huli, pero ayun nga, hindi pala.

Ngayon sinusubukan kong maghanap ng katulad mo, pero habang tumatagal lalo lang akong nakukumbinsi na wala na akong makikita pa na tatalo sayo. E ano naman ngayon kung hindi ikaw ang pinakamagaling. Ikaw pa rin ang pinakamagandang bagay na nangyari sa buhay ko, at habang-buhay kong pagsisisihan na pinakawalan kita.

Hindi ko na mababalik ang oras para itama ang mga mali ko. Pero kahit ano ang mangyari, sana alam mo na sayo parin ang puso ko, at wala na akong mamahalin pa katulad ng pagmamahal ko sayo.
 

Ekvilibriumm | Creative Commons Attribution- Noncommercial License | Dandy Dandilion Designed by Simply Fabulous Blogger Templates